Thursday, February 26, 2009

Mga panuntunan at regulasyon sa pagpapatupad ng housing loan restructuring, aprubado na

Inaprubahan na ng Kongreso ang implementing rules and regulations o ang mga panuntunan at regulasyon sa pagpapatupad ng Socialized and Low-Cost Housing Loan Restructuring and Condonation Program batay sa itinakda ng RA09507 na nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noon ika-13 ng Oktubre 2008.

Dahil dito, sinabi ni Vice President at Housing and Urban Development Coordinating Council concurrent chairman Noli de Castro na matutulungan na ng pamahalaan ang mga homeowners na nahihirapan sa pagbabayad ng monthly amortization sa kanilang housing loan.

Batay sa naturang programa, maaari nang mag-aplay ng loan restructuring at condonation ang mga housing loan borrowers na may tatlong-buwan nang pumalya sa buwanang pagbabayad sa mga government financial institutions at housing agencies.

Sakop ng naturang batas ang mga housing loan accounts sa mga institusyon tulad ng GSIS, SSS, Pag-IBIG Fund, National Home Mortgage Finance Corporation, Social Housing Finance Corporation, Home Guaranty Corporation at National Housing Authority na may principal loan amounts na hindi hihigit sa P2.5 million.