Thursday, February 26, 2009

Marami nang nakumbensi ang Speaker para sa Con-Ass

Nagpahayag si Pampanga Rep Juan Miguel Arroyo na marami nang kongresista ang nakombinse ni House Speaker Prospero Nograles upang suportahan ang pagkilos na amiyendahan ang Saligang Batas sa pamamagitan ng Constituent Assembly habang kanya namang itinanggi na pinipilit ng Malakanyang ang mga mambabatas upang suportahan ang charter change.

Iginiit ni Arroyo na hindi dapat bigyan ng malisya ang ginagawang paghimok ni Nograles sa mga mambabatas na pumirma sa resolusyon na nagpapatawag ng con-ass sa mga senador at kongresista sapagkat tungkulkin naman umano ng lider ng Kamara at kasama sa kanyang trabaho ang kausapin ang kanyang mga kasamahan sa kapulungan.

Sinabi ng nakababatang Arroyo na nagpahayag lamang ng isang paniniwala si Nograles kung kayat kinumbinse niya ang kanyang mga colleague at naniniwala siya na marami na rin ang nakombinse ang Speaker.

Matantandang ipinahayag kamakailan ni Nograles na 17 pirma na lang ang kulang sa con-ass resolution na nakatakda pang ihain ni Camarines Sur Rep Luis Villafuerte upang makumpleto ang 197 pirma na kakatawan sa three-fourths membership ng Kamara at Senado.

Sinabi naman ni House Majority Leader Arthur Defensor na kapag naihain na ang resolusyon ni Villafuerte, kaagad silang maghahain ng petisyon sa Korte Suprema upang alamin kung pwede o hindi na bumoto ng magkahiwalay ang mga senador at kongresista sa mga aamiyendahang probisyon sa Konstitusyon.