Monday, February 23, 2009

Mamamayang nawalan ng tirahan, maging benepisiyaryo ng housing programs

Inaprubahan na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara noong nakaraang linggo ang panukalang maggagawad ng rehabilitasyon at pabahay sa mga mamamayang nawalan ng bahay bunsod ng demolisyon sa mga lupaing pag-aari ng pamahalaan para mabigyang daan ang mga proyekto ng gobyerno at nasirang mga kabahayan bunsod na rin ng mga kalamidad.

Sinabi ni Manila Rep Amado Bagatsing, isa sa mga mag-akda ng HB05623 na dapat lamang umanong magkarooon ng sapat na batas na maggagawad ng resettlement area para sa mga apektado ng demolisyon sa mga lugar na mapanganib tulad ng estero at tapunan ng basura, mga biktima ng kalamidad at mga apektado ng mga proyekto ng pamahalaan sa Metro Manila.

Ayon kay Bagatsing, hinahanap umano ng MMDA ang mga nawawalang estero tuwing tag-ulan sa Kamaynilahan kayat demolisyon ang naging resulta nito kung saan libu-libong mga pamilya ang nawawalan ng tirahan at ang iba naman ay palipat-lipat na lamang sa mga mapapanganib na lugar ang kanilang mga pamilya tulad ng estero, sidewalk, kasada, liwasan at iba pang pampublikong lugar.

Sa ilalim ng panukala, maglalagay ng pondo ang pamahalaan para sa agarang ayuda sa mga mahihirap na mamamayang nawalan ng tirahan at ang pagtatatag ng resettlement centers, gayundin ang pagtatatag ng community mortgage program o iba pang socialized housing programs.