Thursday, February 26, 2009

Kamara at Senado, desidido na aprubahan ang right to reply bill

Nakapagpasya na ang mga mambabatas sa Senado at Kamara de Representantes at desidido pa rin sila na aprubahan ang right of reply bill sa kabila ng matinding pagtutol ng ibat ibang organisasyon sa sektor ng pamamahayag.

Nanindigan si Manila Rep Bienvenido Abante na hindi lalabagin ng panukala ang kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag nang kanyang iginiit na karapatan ng sinumang indibidwal na binabatikos sa media na magkaroon ng kaukulang espasyo at airtime upang madinig ang kanyang panig.

Nauna na ang Senado sa pag-apruba ng naturang panukala at hinihintay na lamang ang pag-apruba sa bersyon ng Kamara para magpatawag ng bicameral conference committee hearing.

Ang bersyon sa Kamara ay inihain ni Bacolod City Rep Monico Puentevella habang si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. naman ang may-akda ng bersyon sa Senado.

Nakasaad sa panukala na maaaring makulong at magmulta ang mga mamamahayag na hindi magbibigay ng espasyo o airtime sa binatikos o inakusahang personalidad.

Ang hindi rin pagsunod sa panukala ay maaaring maging dahilan din upang isara ang kumpanya ng media.

Ngunit nanindigan ang ibat ibang grupo ng mga mamamahayag na ang right to reply bill ay isang paraan ng pagsikil sa malayang pamamahayag at labag ito sa Saligang Batas.

Kinatigan naman ni Aurora Rep Juan Edgardo Angara ang paliwanag na ito kaya inurong niya ang suporta sa panukala at ayon sa kanya, bibigyan uamno niya ng pagkakataon ang media na magpatupad ng tinatawag na self censorship.