Wednesday, February 25, 2009

Estados Unidos, binatikos ng mambabatas dahil sa paglabag sa kasarinlan ng bansa

Binatikos ni Manila Rep Bienvenido Abante ang pamahalaan ng Estados Unidos sa pagtanggi nitong ilipat ang kustodiya ng nahatulang sundalo sa kasong panggahasa sa isang Filipina sa Subic nang kanyang sinabi na isa umano itong walang pakundangang paglabag at pambabastos sa kasarinlan ng bansang Pilipinas sa kabila ng ipinag-utos ng Korte Suprema na ilipat na ito sa pasilidad ng bansa.

Sa kanyang privilege speech, tinuligsa ni Abante ang patuloy na pananatili ni Lance Corporal Daniel Smith sa kalinga ng mga Amerikano na nagpapakita ng isang di-magandang halimbawa sa relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Amerika na siyang itinuturing pa namang isang kaibigan.

Binatikos din ng mambabatas si US President Barack Obama sa pagwawalang bahala nito kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na isa umanong malaking insulto sa bansa lalo na sa mga mamamayang Pilipino.

Sinabi ni Abante na noong nakaraang pagbisita ni Pangulong Arroyo sa Washington ay hindi ito binigyang galang ni Obama sa Annual Prayer Breakfast sa kabila ng pagdalo nito katabi pa sina Secretary of State Hillary Clinton at Speaker ng Kamara ng Amerika na si Nancy Pelosi.

Idinagdag pa ng solon na bukod sa pagbabayad ng benepisyo sa mga Pilipinong beterano ng World War II na nakidigma para sa mga Amerikano ay walang dapat na tanawing utang na loob ang Pilipinas sa Estados Unidos.

Ayon sa kanya, hindi umano namamalimos ang mga beteranong Filipino sa kanila bagkus ay sumisigaw lamang sila ng katarungan at pantay na pagtrato at paggalang.