Monday, December 22, 2008

“Spy job”sa mga palengke, ipapatupad

Magpapatupad ang mga opisyal ng Department Trade and Industry (DTI) at ng lokal na pamahalaan ng tinatawag na “spy job” sa mga palengke at tindahan sa bansa upang matiyak na mahuhuli ang mga abusadong negosyante na magsasamantala sa presyo ng mga pangunahing bilihin ngayong Pasko at Bagong Taon.

Sinabi nina Anak Mindanao Rep Mujiv Hataman at An Waray Rep Florencio Noel na importanteng masampolan ng kinauukulan ang mga abusadong negosyante upang mapangalagaan ang mga mamimili.

Ayon kay Hataman, mas maraming mahuhuli kung hindi halata ang gagawing operasyon ng DTI kumpara sa tradisyunal nitong paraan ng pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon pa sa kanya, kung nakatago at sorpresa ang kanilang pamamaraan ng pagbabantay, malamang na marami silang mahuhuling mga mandaraya at abusadong negosyante.

Bagaman at importante ang media sa kanilang operasyon upang ipaalam ang resulta ng trabaho, sinabi ni Noel na mas magiging epektibo kung hindi nalalaman ng mga nagtitinda na panghuhuli ang pakay ng kanilang kaharap.

Sa kanyang karanasan, sinabi ni Noel na marami ang price tag na nasa pangangalaga ng mga tindero kaya naman mabilis na nakakapagpalit kapag namamataan na ang mga nanghuhuli.

Sa kanya, mahalagang sekreto ang kanilang pag-atake para matiyak na mabibigayan ng proteksiyon ang mga mamimili, dagdag pa ni Noel.