Ipinanukala ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez, ang pagkatatag ng Roads and Traffic Administration (RTA) na may layuning tututok sa pangangasiwa ng batas trapiko sa mga lansangan sa buong bansa ayon sa HB04930 na kanyang inihain.
Sinabi ni Rodriguez na hindi malutas ang problema sa trapiko sa bansa dahil sa magkakaiba at magulong patakaran sa pagpapatupad ng batas trapiko ng mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Rodriguez, na dapat magkaroon ng isang tanggapan na maglalatag ng mga patakaran upang maisaayos ang pangangasiwa ng batas trapiko para sa kaligtasan ng mga motorista at pasahero.
Ang masikip na trapiko ang isa sa pinakamalaking suliranin ng bansa dahil nakakaapekto ito sa buhay ng mamamayan, aniya at bukod sa pinapabagal umano nito ang paglago ng ekonomya ng bansa ay nagdudulot din ito ng polusyon sa hangin.
Idinagdag pa niya na malaki rin ang naaaksayang enerhiya sa trapiko kung saan umaasa ang bansa sa napakamahal na halaga ng langis.