Inihayag kahapon ni Romblon Rep. Aleandro Jesus Madrona, na dapat umanong kusang-loob na lisanin na lamang at hindi na dapat hintayin pa ni dating Speaker Jose de Venecia na patalsikin siya bilang myembro ng Lakas-CMD na kanyang itinatag noong 1992.
Ayon kay Madrona, ang hindi pagsuporta ng mga kasapi ng Lakas sa impeachment complaint na inindorso ni De Venecia ay patunay lamang na iniwan na siya ng mga kasamahan sa partido matapos ganap na “ilibing" ng mga kongresista noong Martes ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Pangulong Gloria Arroyo.
Idinagdag pa ni Madrona, pinuno ng House ethics committee, na por delicadeza na lang daw dahil dapat naramdaman na niya na halos wala nang naiwan sa kanya sa Lakas members sa House of Representatives.
Ang komite ni Madrona ang didinig sa hiwalay na mosyon ni Agusan del Norte Edelmiro Amante na patalsikin bilang kasapi ng kapulungan si De Venecia dahil sa alegasyon nito na nabayaran ng Malacanang ang mga kongresista upang ibasura ang impeachment complaint noong 2007.
Aminado si Madrona na mahirap na patalsikin sa partido si De Venecia na tumatayong president meritus ng Lakas, dahil siya ang nagtatag nito kasama si dating Pangulong Fidel Ramos nang tumakbo ang huli na presidente noong 1992 elections.