Nilinaw kahapon ni Batangas Rep. Hermilando Mandanas na walang intensiyong magbenipisyo sa mga pang-nasyunal na opisyal, partikular na rito ang Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ang kanyang panukalang magpapalawig ng termino ng mga opisyal kagaya ng mga gubernador, mayor ng mga lungsod at bayan at mga kongresista.
Sinabi ni Mandanas na malinaw sa kanyang panukala na ang pangulo ng bansa, ang pangalawang pangulo at ang mga senador ay hindi apektado sa panukala dahil mas mahaba ang kanilang term of tenure ng anim (6) na taon.
Ayon sa kanya, siya ay naging gubernador din at kasalukuyang mambabatas at kahit ma-re-elect pa ang isang opisyal, ang tatlong taon sa panunungkulan ay masyadong maiksi kung ikaw ay isang local chief executive.
Kaparihong panukala din daw ang kanyang inihain noong panglabing tatlong kongreso at hindi daw niya akalaing ito ang maging paksa sa kasalukuyang mga debate sa pag-amiyenda ng konstitusyon lalu na ang hinggil sa termino ng panunungkulan.
Dahil dito, kanya na umanong wini-draw ang panukala nang ito ay tinalakay sa komite noong Agusto dahil ayon sa kanya, hindi na nararapat pang pag-usapan muna ito dahil hindi napapanahon na ang hinggil sa pagpapalawig ng termino ng pangulo at ang pag-amiyenda ng saligang batas bago pa ang eleksiyon sa taong 2010 dumating.