Nanawagan kahapon si Nacionalista Party (NP) spokesman at dating Cavite Rep Gilbert Remulla para sa pagkakaisa ng oposisyon sa 2010 upang matiyak ang tagumpay kontra sa mamanukin ng administrasyon ng kanyang sinabi na ang kahalagahan na ipaubaya na lamang ni dating Pangulong Joseph Estrada sa mga batang lider ng oposisyon ang 2010 presidential elections.
Sinabi ni Remulla na umaasa siyang pangunahan ng dating Pangulo ang daan para mapag-isa ang oposisyon sa pamamagitan ng pagliban niya ng kanyang sarili sa posibleng partisipasyon bilang presidential candidate sa 2010 election kung saan pambato nila ang kanilang presidente na si Senator Manuel Villar.
Bukod kay Villar, kabilang din sa malinaw na kandidato ng oposisyon sa 2010 presidential elections sina Senator Loren Legarda at maging ang nangungulelat sa survey na si Senator Manuel “Mar” Roxas.
Nalulungkot si Remulla dahil mistulang lalong nakakagulo sa kanilang hanay ang deklarasyon ni Estrada na tatakbo ito kung hindi magkakasundo ang mga pambato ng oposisyon.
Ipinaliwanag naman ni Nueva Ecija Rep Edno Joson, isang independent at dating administrator ng National Food Authority (NFA) sa ilalim ng administrasyong Estrada na malinaw naman daw ngayon na puro oposisyon ang mga kandidato kaya malabo ang sinasabi ng napatalsik na lider na magkaroon lamang ng isang pambato.
Kung hindi mapapalakas ni Estrada ang Partido ng Masang Pilipino (PMP) sa tulong ng napabalitang posibleng running-mate rin nitong si Makati City Mayor Jejomar Binay, malamang na madidiskaril ang pagbabalik nito sa pulitika bukod pa sa kakaharaping legal na kuwestiyon sa pagtakbo nito, dagdag pa ni Joson.