Sinabi ni Paranque Rep. Roilo Golez na kung magtatagal ang laban, inaasahan ang panalo ng tinaguriang pambansang kamao na si Manny “Pacman” Pacquiao dahil tiyak na mauubusan na ng lakas ang kalaban nitong boxing legend na si Oscar dela Hoya
Ayon kay Golez na minsang nagkaroon ng karera sa amateur boxing kung saan hindi nakatikim ng pagkatalo, na mas malakas at bata si Pacquiao kumpara kay dela Hoya.
Aniya, kapag tumagal ang laban, kahit 10 rounds, malaki aumano ng tsansang manalo si Pacquiao.
Ngunit binalaan ni Golez si Pacquiao na ingatan ang unang round ng kanilang laban ni dela Hoya sa darating na Linggo sa MGM Grand sa Las Vegas dahil makikita dito kung maiiwasan o hindi ng pambansang kamao ang jab ng tinaguriang golden boy.
Krusyal umano ang first round at dapat maiwasan niya ang jab ni dela Hoya kung kayat ang first round ay puwedeng mag-determine ng resulta ng laban, dagdag pa ni Golez, dahil sa mas mahaba ng apat na pulgada ang reach ni dela Hoya kumpara kay Pacquiao.
Kaugnay dito, nanawagan rin si Golez sa publiko na ipagdasal ang panalo ni Pacquiao matapos tumangging magbigay ng direktang pahayag kung talagang mananalo ang pambansang kamao.
Manonood naman si Golez kasama ang 50 barkada nito sa SM Bicutan na kanyang nakagawian tuwing may laban si Paquiao.