Mariing pinabulaanan ni House Speaker Prospero Nograles na nag-lobby sina Pampanga Rep Mickey Arroyo, Camarines Sur Rep Datu Arroyo at si Negros Occidental Rep Iggy Arroyo para hindi maipasa ang panukalang batas hinggil sa pagpapalawig ng Comprehensive Agrarian Reform Program.
Pinahayag ng Speaker na hindi siya naniniwala na ginawa ni Mickey ang pangunguna sa pag-lobby laban sa pagkakapasa sa CARP dahil ang naging pasya umano nila ay ang collective decision at hindi ng isang sektor o grupo lamang.
Samantala, kinastigo naman ni Quezon Rep Danilo Suarez ang alegasyon laban kay Arroyo dahil maituturing na insulto umano ito sa buong institusyon ng Kongreso.
Ayon kay Suarez, isang malaking insulto umano kung sabihing sila ay pinangungunahan ni Mickey sa pagkaka-dismiss sa CARP sapagkat ang naging resulta sa botohan ay nakabase naman sa mga pasya ng bawat mababatas na naging numero ng Kamara.
Walang sinuman ang maaaring magdikta sa kanila, dagdag pa ni Suarez, at kung ang paguusapan ay ang partikular na panindigan ng bawat indibidwal, sapagkat sila ay naniniwala umanong ang kanilang pasya ay nakabatay sa kanilang layunin para sa kabutihan ng mga mamamayang Filipino at ng bansa sa kanilang pagboto sa bawat panukala.