Hinikayat ni House Speaker Prospero Nograles kahapon ang dalawang magkatunggaling panig sa impeachment complaint laban kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na iwasan ng mga ito ang paggamit sa proseso bilang isang personal na plataporma para sa kanilang political granstanding na sumisira lamang sa Kapulungan bilang isang institusyon.
Sinabi ni Nograles na ang mga miyembro ay misan lamang maging kasapi dito ngunit ang Kamara de Representantes ay isang institusyon at isang permanenteng gusali ng demokrasya ng bansa.
Ayon sa kanya, maaari naman silang magdebate na hindi na kailangan pang mag-walk-out at mananawag ng kung anu-anong mga pangalan dahil ang mga ito ay ginagamit lamang kung wala nang sapat na argumento.
Lahat naman ay binigyan ng pagkakataon na makapagpahayag ng kanilang mga iniisip kagaya ni dating Speaker Jose de Venecia na may 45 minutong nagsalita ngunit ang kanyang mga sinabi ay pawang mga innuendos lamang at walang basehang na mga alegasyon.
Marami pa nga umano ang nais na sumingit sa kanyang pagsasalita at ikompronta siya sa kanyang mga alegasyon sapagkat inatake na niya ang integridad ng buong Kamara na dati niyang pinamunuan ng 12 taon ngunit hindi daw nila ito ginawa sapagkat iyon naman umano ay pagkakataon pa niyang magsalita.
Hindi umano sila makapapayag na gamitin ng sinuman ang proseso na plataporma para sa pansariling motibong pampolitikal.