Wednesday, November 19, 2008

Mga aksidenteng sanhi ng utility bus, dapat mahinto na.

Hinikayat ng isang bipartisan group ng mga mambabatas ang house committee on transportation na agaran nitong tukuyin ang tunay na mga sanhi ng paulit-ulit na aksidenteng may kaugnayan ang mga utility bus.

Sinabi ni An Waray Rep Florencio Noel na sa HR00854 na inihain niya, kasama sina Anak Mindanao Rep Mujiv Hataman, Laguna Rep. Justin Chipeco, Cibac Rep Joel Villanueva at Aurora Rep Juan Edgardo Angara, nais nilang malaman ang tunay na dahilan ng mga naturang aksidente para matukoy kung ano ang nararapat na pagsasabatas upang maiwasan ang naturang mga pauli-ulit na pangyayari.

Ayon naman kay Hataman, marami na umanong mga natukoy bilang posibleng dahilan ng mga nabanggit na aksidente ngunit ang kapabayaan at pagkakamali ng drayber ang pinaka-pangunahin at nangunguna sa lahat.

Sinabi rin ni Angara na isa pa ring nakitang dahilan ay ang mahabang working hours at compensation arrangements ng mga bus driver kung kayat nagmamadali silang mag-pick-up ng maraming mga pasahero at ang isa pa ay ang pagdami ng mga bus na bumabiyahe sa iisang ruta lamang.

Ayon naman kay Chipeco, marapat lamang umanong panghimasokan na ito ng pamahalaan at gumawa ng hakbang upang maiwasan na ang mga aksidenteng sanhi ng pagkawala ng buhay at pagkasira ng mga ari-arian.