Walang patutunguhan ang pagsisiyasat para papanagutin ang 104 na kongresista, 49 na gobernador, 25 alkalde at iba pang mga lokal na opisyal na nakinabang umano sa P728 milyong fertilizer fund scam kung hindi rin magsasalita si dating Agriculture Undersecretary Jocelyn Joc-joc Bolante.
Sinabi ni Nueva Ecija Rep Edno Joson kahapon na matutulad lamang ang isyu kay Bolante sa kaso ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Virgilio Garcillano.
Ayon pa kay Joson, sa dami ng sangkot dito, wala umanong mangyayari sa imbestigasyon dahil segurado siyang hindi na makapagsalita si Bolante sa harap ng mga congressman at dito pa lamang ay magkakaproblema na.
Gayunpaman, naniniwala si Joson na maaaring magkaroon ng joint inquiry ang Senado at Kamara de Representantes sa pagsusumikap na malaman ang katotohanan.
Tanging joint inquiry na lang ang makakaresolba sa naturang problema at baka mas praktikal pa ito kung talagang nais palabasin ang katotohanan, ayon pa kay Joson.
Nais naman ni Paranaque Rep Roilo Golez na magkaroon ng hiwalay na imbestigasyon ang Kamara de Representantes sa Senado.
Para kay Golez, dapat talaga magkaroon ng hiwalay na imbestigasyon kung ang mambabang kapulungan ay hindi magsagawa ng parallel investigation, baka sabihin na wina-white wash na naman ng Kamata ito.
Itinanggi naman ni dating Quezon City Rep Maite Defensor ang pagkakatanggap ng anumang pondo mula sa kontrobersiya ng abono.