Tahasang ibinunyag kahapon ni Pangasinan Rep at dating House Speaker Jose de Venecia Jr na si Pangulong Arroyo ang nasa likod ng umanoy panunuhol sa mga congressman at governor ng P500,000 noong Oktubre 2007.
Ito ang unang pagkakataon na direktang tinukoy ang Pangulong Arroyo bilang siyang may kinalaman sa bribery scandal na inihayag noon nina Manila Rep Bienvenido Abante at Pampanga Gov Ed Panlilio at Bulacan Gov Joselito Mendoza.
Sa pagpapatuloy ng deliberasyon sa pinakahuling impeachment complaint laban sa Pangulo, sinabi ni de Venecia na wala siya nang ipamahagi ang money bags ngunit natanggap niya umano ito kalaunan sa kanyang opisina.
Ayon pa sa kanya, naalis siya bilang House Speaker at president ng Lakas-NUCD nang tumanggi umano siyang iendorso ang sham at bogus na impeachment complaint laban sa Pangulo.
Idinagdag pa niya na pinakiusapan daw siya ni Arroyo ng tatlo hanggang apat na beses subalit tumanggi siyang iendorso sa Justice committee ang tatlong-pahinang reklamo.