Friday, October 10, 2008

Youth centers sa buong bansa, isinusulong ng mga mambabatas

Nais nina Cotabato Rep Darlene Antonino-Custodio at Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez na magtayo ng tinatawag na transient houses, lodging at skills training centers sa buong bansa para sa mga kabataang hindi makapag-aral at nangangailangan ng pagkalinga, pag-aruga at kabuhayan.

Sinabi ni Custodio na ang mga kabataang Pilipino sa ngayon umano ay lugmok sa suliranin dahil sa sobrang kahirapan, kakulangan sa pagkain at edukasyon, pagkagumon sa mga bisyo, droga, kriminalidad at kawalan ng pagkakakitaan at tungkulin lamang daw ng pamahalaan na magpatupad ng mga kongkretong programa para maiangat ang antas ng kabuhayan ng mga kaawa-awang kabataang ito.

Ayon pa sa kanya, ang mga problemang ito ay pinalala pa ng pagdami ng mga batang lansangan sa kalunsuran na nagiging biktima ng pag-abuso, pamimilit sa pagtatrabaho at pedopilya na malinaw na hindi natutugunan ng pamahalaan.

Layunin ng HB02773 na magtatag ng Local Youth Development Councils and youth centers sa buong bansa. Sa kasalukuyan ay tinatalakay na ito sa plenaryo sa pamumuno ng House committee on youth and sports.

Sinabi naman ni Rodriguez na ang mga itatayong centers ay magsisilbing lugar para sa mga recreational facilities, pagsasanay sa mga programang pangkabuhayan, lingkod pampamayanan at boluntaryong paglilingkod.