Tuesday, October 21, 2008

Walang sapat na suporta sa isinusulong na impeachment complaint

Inaasahang tuluyan nang hindi lalagda si dating Speaker Jose de Venecia Jr. bilang endorser sa panibagong impeachment complaint laban kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa malamig na suporta ng minorya lalo’t kilala itong mautak bago pumasok sa isang sensitibong laban.

Naniniwala si House Speaker Prospero Nograles na hindi basta-basta susubo sa isang labang walang kapana-panalo si de Venecia dahil matinik ito.

Sinabi ni Nograles na malapit na ang 2010 presidential elections kaya hindi na praktikal pa ang impeachment complaint.

Ayon sa kanya, tama daw ang naobserbahan ni House Minority Leader at San Juan Rep Ronaldo Zamora na hindi ito makakakalap ng sapat na bilang at masyadong malapit na eleksiyon na hindi na praktikal na isululong pa ito.

Idinagdag pa niya na mas makakabuti sa ngayon ang mabilis na disposisyon ng kaso para matutukan ang mga mahahalagang panukala na lalaban sa pandaigdigang krisis pinansiyal.

Kaugnay nito, naniniwala naman sina Bataan Rep Albert Garcia, Bulacan Rep Lorna Silverio at Camiguin Rep Pedro Romualdo na maagang mababasura ang impeachment complaint dahil sa kawalan ng sapat na suporta.