Friday, October 10, 2008

Pangangasiwa ng Philippine Coast Guard, ililipat sa DOTC

Ililipat na ang pangangasiwa ng Philippine Coast Guard (PCG) sa ilalim ng Department of Transportation and Communications (DOTC) bilang isang ahensyang magpapatupad ng mga patakaran hinggil sa industriyang pandagat para sa kaligtasan ng mga manlalakbay, mangangalakal at kalikasan sa dagat ngunit ito naman ay pangangasiwaan ng Department of National Defense sa panahon ng digmaan.

Ayon kina ParaƱaque Rep Roilo Golez, Muntinlupa Rep Rozanno Biazon, Tawi-Tawi Rep Nur Jaafar, Palawan Rep Abraham Kahlil Mitra, Batangas Rep Mark Llandro Mendoza, Romblon Rep Eleandro Jesus Madrona, Sorsogon Rep Salvador Escudero lll, Bacolod Rep Monico Puentevella, at Albay Rep Edcel Lagman, may akda ng HB05151, ang PCG ay itinatag sa ilalim ng Republic Act 5173 noong 1963 bilang bahagi ng Philippine Navy ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ngunit inilipat ang pangangasiwa nito sa DOTC noong 1998 sa ilalim ng Executive Order 477 na nag-aalis ng kapangyarihan nito bilang isang organisasyong militar.

Layunin ng panukala na lalong patatagin at bigyan ng mas malawak na kapangyarihan ang PCG bilang isang non-military organization na magpapatupad ng batas hinggil sa usapin at kalakarang pangkaragatan.


Tungkulin din ng ahensiya na sagipin ang mga tao at mga sasakyang pandagat sa panahon ng krisis o kalamidad at magsagawa ng operasyon sa paghahanap at pagsagip sa mga nawawala sa oras ng aksidente sa karagatan sa loob ng bansa batay sa isinasaad sa mga international conventions.