Iminungkahi kahapon ni Paranaque Rep Eduardo Zialcita kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagkakatatag ng isang senior citizens commission na siyang mangangasiwa sa ibat ibang mga programang institutional at may layuning magpapaibayo sa karapatan at kapakanan ng mga nakakatanda.
Sinabi ni Zialcita na kung mayroong isang national youth commission, bakit hindi raw makapagtatatag ng para sa mga senior citizen rin.
Nararapat lamang at napapanahon na umanong mabigyan sila ng pansin at mapasalamatan sa kanilang nagawa para sa lipunan.
Gayundin, umapela si Zialcita sa Kongreso na madaliin ang pagpasa ng mga nakabinbing panukala na magpapaibayo sa kapakanan ng mga Filipino elderly bilang pagkilala sa kanilang karapatan at mahalagang idinulot sa lipunan.
Ayon sa kanya, habang tinatalakay ng Senado at Mababang Kapulungan ang kanilang mga bersiyon ng panukalang magsasaayos ng social pension ng mga elderly, pagkakataon rin umano ng pangulo na magtatag ng nabanggit na komisyon sa pamamagitan ng isang executive order.