Nagbabala si Palawan Rep Abraham Mitra kahapon sa panukala ng pamahalaan na gawing P1 milyon mula sa kasalukuyang P250,000 ang insurance coverage sa mga bangko dahil buwis na kinokolekta sa publiko ang gagamiting garantiya dito kung saan mga mayayamang may malalaking deposito ang makikinabang.
Naniniwala si Mitra na dapat magdahan-dahan ang pamahalaan sa 300% umento sa insurance coverage sa bank deposits upang kontrolin ang epekto ng pandaigdigang krisis pinansiyal dahil pampublikong pondo ang nakataya dito.
Sa panukala ng pamahalaan, mangangailangan ng P10 bilyon hanggang P45 bilyong pondo ang Philippine Deposits Insurance Corporation (PDIC).
Layunin ng pamahalaan na tiyaking ligtas ang salapi sa bangko upang hindi matakot ang publiko at maiwasan ang malaking halaga ng withdrawals.
Ipinaliwanag pa ni Mitra na mga mayayaman lamang ang makikinabang sa panukala lalo’t wala namang depositong P1 milyon ang mga mahihirap.
Sa kabilang banda, sinabi ni Mitra na buong-buo ang kanyang suporta sa hakbang ng pamahalaan na sawatahin ang masamang negatibong epekto sa bansa ng problemang pinansiyal na nagsimula sa Estados Unidos.