Sunday, October 19, 2008

Pagnanakaw sa mga bahay-sanglaan, gawing isang karumal-dumal na kremin

Ideklarang nang isang karumal-dumal na krimen ang pagnanakaw sa mga bahay-sanglaan upang mabawasan ang lumalaking estadisktika ng nasabing krimen batay sa HB04950 na inihain ni Nueva Ecija Rep Joseph Gilbert Violago.

Layunin ng panukala ni Violago na protektahan ang mga bahay-sanglaan na mayroong malaking kontribusyon sa ekonomiya ng bansa.

Sinabi ng solon na dapat maamiyendahan na ang Revised Penal Law upang mapatawan ang sinuman ng habambuhay na pagkakabilanggo kahit ano man ang halaga ng ninakaw at kung papaanong paraan ito isinagawa.

Ipinaliwanag ni Violago na mahalaga ang ginagawa ng mga bahay-sanglaan dahil agaran itong nakakapagbigay ng tulong sa pangungutang sa mga nangangailangan.

Idinagdag pa ng solon na hindi rin komplikado ang sistema ng pangungutang sa bahay-sanglaan kaya mahalagang protektahan ang negosyo na sinasandigan ng maraming Pilipino.