Naghain si Partylist Rep Narciso Santiago ng isang panukala, ang HB05056, na may layuning magkakaroon ng regulasyon sa body peircing at tattooing upang mabigyan ng proteksiyon ang kalusugan at kaligtasan ng ng publiko laban sa mga sakit katulad ng hepatitis.
Matatandaang napaulat na talamak ang pagtatato sa loob ng kulungan ng kapwa mga preso habang mistulang kabute namang nagsulputan ang mga taong nagsasagawa ng tattooing at body piercing o paglalagay ng mga hikaw sa mga alanganing parte ng katawan sa labas ng bilangguan.
Dahil sa kawalan ng alituntunin, sinabi ni Santiago na dapat maging malinis ang proseso ng body piercing at tato dahil napapasok nito ang kaloob-looban ng balat.
Nakapaloob sa panukala na kung nais na magsagawa ng pagtatato at body piercing, may pangangailangan na kumuha muna ng permiso sa Department of Health.
Ipagbabawal din sa panukala ang sinomang indibidwal, negosyo, korporasyon, partnerships, o ibang katulad na mga asosasyon na magpatakbo ng body piercing o tattoo studios ng walang kaukulang permiso sa DoH.