Ipinanukala ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez sa HR00794 niya na dapat amiyendahan na ang mga panuntunan ng Kamara hinggil sa pagdinig na ipinapatawag ng mga komite at ang pagpapatupad ng regulasyon sa paggamit ng tinatawag na executive privilege.
Sinabi ni Rodriguez na dapat baguhin na ang House Rules patungkol sa mga saksing ipinatatawag sa mga pagdinig sa Kamara na walang habas na nagkukubli sa pamamaraan ng executive privilege upang iwasan ang mga kritikal na kasagutan sa mga ibinabatong tanong ng mga mambabatas.
Ayon sa mambabatas, ang executive privilege ay kadalasang ginagamit ng mga myembro ng gabinete at matataas na opisyal ng pamahalaan na inanyayahang humarap sa mga pagdinig sa Kongreso.
Idinagdag ni Rodriguez na mistulang nagkukubli umano sila rito upang maiwasan ang mga kasagutang posibleng magdala sa kanila sa kagipitan o kahihiyan mula sa mga matitinding tanong ng mga mambabatas.
Nagiging inutil daw ang Kongreso na maiwasto ang mga mali at pagkukulang ng mga umiiral na batas at nahihirapan silang makapagpasa ng mga epektibong batas dahil sa kakulangan ng mga wasto at malinaw na impormasyon mula sa mga imbitado nilang mga saksi dahil sa pag-abuso sa executive privilege, dagdag pa niya.