Thursday, October 09, 2008

Mga isyu hinggil sa charter change

Sinabi ni House Majority Floor Leader at Iloilo Rep Arthur Defensor na malabong magtagumpay ang Charter change (Cha-cha) sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa isang press conference, sinabi ni Defensor na hindi niya malaman kung lulusot ang kontrobersiyal na panukalang nagsimulang isulong noon pang panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos.

Ipinaliwanag ni Defensor na Supreme Court (SC) pa rin ang magdedesisyon sa dalawang importanteng isyu sa Constituent Assembly (ConAs).

Kabilang sa dalawang tanong ni Defensor na dapat malinaw ng SC ang pangangailangan na malaman kung magkasama na tatalakayin ng Kamara de Representantes at Senado ang Cha-cha sa ConAs at kung hiwalay o magkasamang boboto ang dalawang Kapulungan ng Kongreso sa mga natalakay na mga rebisyon sa Konstitusyon.

Kaugnay nito, inihayag naman sa isang press conference ni Bohol Rep Adam Jala na naghain siya ng petisyon sa SC para malaman sa korte kung hiwalay o magkasama bang boboto ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa anumang mapagkakasunduang pagbabago sa Saligang Batas.