Magtutulong ang Kamara at ang Senado na kastiguhin ang mga kompanya ng langis na pinaniniwalaang niloloko ang publiko sa pamamagitan ng mapanlinlang umanong rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ito ang ipinahagayag kahapon ni House Speaker Prospero Nograles ng kanyang sinabi na bicameral ang sistema ng ating lehislatura at hindi maaaring ang Kamara lamang ang aakto na walang suporta ang Senado sa mga pagsasabatas.
Nais ni Nograles na patawan ng buwis ang malalaking kita ng mga mga kompanya ng langis habang nagpahayag naman ito ng galit sa tila pang-aabuso ng mga kompanya ng langis na nagsasagawa lamang ng patingi-tingi na rollback kahit bumaba na sa $61 kada bariles ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Nograles na agaran niyang kokonsultahin ang mga lider ng Senado para gumawa ng konkretong aksiyon laban sa mga kompanya ng langis katulad ng windfall tax sa kita ng mga ito na naunang ipinanukala ni Senate finance committee chairman Sen. Juan Ponce-Enrile.
Tiniyak ni Nograles na hindi titigil ang mga mambabatas hanggang hindi naibibigay ang tamang rollback.
Naunang inamin ni Nograles na walang magagawa ang gobyerno sa mga kompanya ng langis sa ilalim ng Oil Deregulation Law kundi ang ipabusisi sa House committee on energy na pinamumunuan ni Presidential son at Pampanga Rep Juan Miguel “Mikey” Arroyo ang pinansiyal na posisyon ng mga kompanya ng langis.