Thursday, September 25, 2008

Planong pagbebenta ng share ng pamahalaan sa Petron, kinontra

Mariing tinutulan ni Palawan Rep Abraham Kahlil Mitra ang planong ibenta ng gobyerno ang natitira nitong share sa Petron para umano makabawi sa pagkalugi ng kompanya.

Sinabi ni Mitra na maaaring pagdudahan ang naturang planong pagbebenta dahil sa malaking komisyong kikitain ng mga nagmumungkahi nito.

Kinontra rin ni Mitra ang planong pagsasapribado ng Philippine National Oil Company - Exploration Corporation (PNOC-EC) at iminungkahi nito na ituon na lamang ng pamahalaan ang pagsisikap nitong makakolekta ng buwis at tigilan na ang mga sulsol na ibenta ang mga mahahalagang ari-arian ng gobyerno na posibleng magdulot pa ng negatibong epekto sa bansa.

Dahil dito, nanawagan si Mitra sa House Committee on Ways and Means na alamin kung anu-anong mga ahensya ng pamahalaan ang nagbebenta ng mga korporasyong pag-aari ng gobyerno.