Isinulong ni Party-list Rep Narciso Santiago III ang pagtatatag ng women's desks sa lahat ng mga paaralan sa buong bansa, batay sa kanyang inihaing HB04316, upang maiwasan na ang paglaganap at dumaraming kaso ng pang-aabuso laban sa mga kababaihan at posibleng pagkalat nito sa iba pang mga eskuwelahan.
Layunin ng panukala ni Santiago na tutukan ang kaligtasan ng mga kababaihan sa loob ng mga paaralan na kalimitan ay naging biktima ng mga insedente ng kremin, pag-aabuso sa droga at mga karahasan.
Sinabi ni Santiago na dapat din umanong magtatag ng mga polisiya at patakaran upang paigtingin ang seguridad at proteksyon ng mga kababaihan laban sa mga masasamang loob.
Layunin ng women's desks ang pagreresolba ng mga reklamo laban sa karahasan sa kababaihan, maging mga pribado man o publikong suliranin, mahadlangan ang pag-abuso sa droga na nagbubunsod ng karahasan at pagsikapang mabigyan ng karampatang lunas ang anumang krisis na nararanasan ng mga kababaihan.