Nanawagan kahapon si House Speaker Prospero Nograles sa kanyang mga kasamahang mambabatas na kasapi sa Lakas Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) na iliban muna nila ang kanilang commitment na sumuporta sa sinumang kakandidato pagka-pangulo sa ganitong kaaga at sa halip ay ituon na lamang muna nila ang kanilang lakas sa paghahanap ng mga pamamaraan upang mapalakas ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng bumabagabag na problemang pangpinansiyal na yumanig sa Estados Unidos.
Pinayuhan ng Speaker ang mga kongresista na konsultahin muna nila ang kani-kanilang mga distrito kung sino sa mga lumulutang na pangalang nagnanais kumandidatong presidente ang katanggap-tanggap at madaling supurtahan at dalhin.
Determinado umano siya bilang Pangulo ng Lakas na seguruhing ang partido ay patuloy na maging dominant party matapos ang 2010 sa pamamagitan ng kanyang pangunguna para sa pagkapanalo ng kanilang presidential candidate.
Naniniwala si Nograles na ang Lakas-CMD ay makakapisil ng isang kandidato sa pangpanguluhang posisyon na kapwa seguradong mananalo at na yumayakap ng mga pananaw at prinsipyo ng kanilang partido.